Testamento ng PLM-Urban Poor Committee Hinggil sa Pabahay ng Maralitang Lungsod

Panimula

Ang pabahay ng maralitang tagalungsod ay isang palaging kritikal na usapin sa bansa magmula pa nang naitayo ang Republika ng Pilipinas dahil sa kawalan ng tirahan ng mga naapektuhan ng World War 2. Palagi na lang pangunahing programa ng gobyerno at pangako ng mga gustong umupo sa gobyerno ang usaping pabahay. Ang mga walang bahay (homeless) ay lalong lumulobo kada pagpapalit ng administrasyon na ipinapakita lang na hindi sinsero ang mga umuupo sa gobyerno na solusyonan ang pagdami ng walang sariling masisilungan at ang bahay na pinapangako ay nananatiling dibuho na lang sa mga homeless at underprivileged citizens.

Sa ngayon sa BBM Administration ay umabot na sa 6.8 million ang housing backlog sa projection ng gobyerno na kailangang itayo ang  mga pabahay na pribado at publiko. Sa estimate ng PSA ay umaabot ng 3.7 million ang bilang ng ISF na mga nakatira sa mga delikadong lugar at sa mga squatter area sa buong bansa.

Ang DHSUD na syang ahensya ng gobyerno ay nag-istratehiya ng programang pabahay na susugpo sa kakulangan ng pabahay. Gagawa ito ng one (1) million housing units kada taon sa panahon ng panunungkulan ng administrasyong BBM na tinawag na Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program o mas bantog sa tawag na 4PH. Bilang pagtugon ng administrasyong BBM sa 4PH ng DHSUD, naglabas ito ng batas sa ilalim ng Executive Order 34 (EO 34) upang gawing flagship program ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program bilang suporta sa komitment ng DHSUD na 1-million housing units kada taon. Ang batas na ito ng Pangulo ng Pilipinas ay inilabas noong Hulyo 17, 2023.

Ang EO 34 ay pagbibigay linaw sa mga kakailanganing legal na proseso ng pagpapatupad ng 4PH na hahawi sa kabagalan ng proseso ng pagpapatupad ng paghahanap ng lupa at pondo. At binigyang linaw ng batas na ito na ang makikinabang ay ang mga homeless at underprivileged sa programang ito.

Nauna nating sinabi na ang 4PH ay hindi galing sa inisyatiba ng Malacañang, kundi sa adelantadong inisyatiba ng DHSUD mula sa negosyanteng kaisipan ng nahirang na sekretaryo ng DHSUD. Mas nauna ang batas na ginawa ng sekretaryo para ipatupad ang negosyong inisyatiba ng programang pabahay ng gobyerno. Nauna nang nailabas, bago ang EO 34, ang Department Circular 2022-004 o ang tinawag na Operation Manual na inilabas noong December 5, 2022 at may amendment pa na Memorandum Circular 2023-010 na pinataas lamang ang presyo ng tirahan ng mga mahihirap.

Ang Operation Manual ay isang batas na Anti-Poor dahil sa kanyang karakter na “Negosyo at Hindi Serbisyo” at isang mapanlinlang na batas na sisirain ang mga bahay ng maralita o informal workers ngunit hindi naman pala kasali sa proyektong 4PH na proyektong pabahay.

Mapanlinlang din sa mga minimum o low wage earner na kahit sabihin mo na regular employee at member ng PAGIBIG ay hindi kakayanin ang bayarin dahil sa presyong ipinagmamalaki na “mura” para sa mga matataas ang sweldo at mga skilled na OFW, ngunit mahal para sa mga minimum wage earner.

Mapanlinlang din ito sa mga organisadong komunidad na binuo sa pamamagitan ng mga Homeowners Association, Neighborhood Association, at Local People’s Organization dahil walang binigay na partisipasyon sa pagpapatupad ng programang pabahay para sa kanila at sila ay inilagay sa kapangyarihan ng local government units (LGU) na ayon sa Operational Manual ay binigyan ng mandato na pumili ng buyer-beneficiaries, pumili ng lupang titirikan ng 4PH housing site, pumili ng developer o contractor, at mamahala bilang estate management ng housing site.

Binigyang diin pa dito na priority housing project ang vertical housing na low-rise, medium-rise, at high-rise building bilang on-site, near-site at in-city housing projects. Ipinagmalaki rin ng DHSUD ang pinababang 1% interest rate bilang 5% interest subsidy na dapat sana ay housing subsidy sa “value” ng housing unit, at hindi subsidy sa interes ng bayarin, para sana sa tunay na abot-kayang pabahay.

Ang PLM Bilang Tagapanguna ng Laban ng Maralitang Tagalungsod

Ngayon ay nahaharap ang PLM sa isang hamon na lalawak ang pang-aapi sa mga maralita, sa ilalim ng hindi makataong trato, at kawalan ng hustisyang panlipunan. Sa pamahalaan ni BBM, iiral ang displacement ng malawak na populasyon ng ISF at lalong lalala ang kahirapan dahil sa dagdag gastos na pambayad sa monthly amortization ng manggagawang regular at ang patuloy ng pagdami ng mga homeless at underprivileged matapos ang termino ni BBM.

Ang PLM ang kailangan ng maralita para ipagtanggol ng kanilang mga tirahan sa kanilang komunidad. Kailangan ding maisalba ang mga ISF sa mga delikadong lugar sa hagupit ng bantang sakuna at peligro ng kalikasan ngunit kailangan nating mailugar sila sa tamang lokasyon na ligtas, disente, at tiyak na abot-kaya ang halaga ng kanilang buwanang bayarin na hindi makakaapekto sa kanilang pampamilyang pinansyal na pamamahala.

Ipagtanggol natin sila sa mga buwitreng kumakausap sa kanila, mapa-gobyerno man o mga pribadong negosyanteng contractor o ahente. Mas mainam ang PLM ang nasa harapan at tagapanguna sa pakikipag-usap sa mga ang hangarin lamang ay manloko, manakot, at mapanlinlang na gamitin ang posisyon at koneksyon sa gobyerno at umiiral na batas na pabor lamang sa mayayaman.

Bilang Kasapi ng Partido ng Lakas ng Masa

Ang ating tungkulin sa masa bilang kasapi ng Partido Lakas ng Masa ay linangin ang kanyang kamalayan sa kanyang aping kalagayan, na siya ay pinagsasamantalahan ng gobyernong naglilingkod sa mga kapitalista kaya sila ay mahirap at lalong naghihirap. Ipakita sa kanila na ang ginagawang polisiya at batas ng estado at umuupo sa elitistang gobyerno ang syang nagdudulot ng pagkasira ng buhay, pagkawasak ng pamilya at kawalan ng maalwan na kinabukasan ng mga maralita.

Gawin natin ang masikap na tungkulin ng Partido na pangunahan ang laban ng maralitang tagalungsod. Sikapin natin na maabot ang mga komunidad na may bantang demolisyon at ihanda ang mga komunidad na naninirahan sa mga hindi nila pag-aari na agarang idireksyon ang mga naninirahan sa mapayapa, disente at abot-kayang paninirahan na sa kalaunan ay magiging pag-aari ng komunidad.

Magiging wasto ang pangalang Partido Lakas ng Masa dahil tataglayin natin ang lakas ng masa kung mas marami at solido sa lahat ng mga syudad sa bansa ang malawak na hanay ng maralitang tagalungsod.

Istratehiko ang laban sa 4PH dahil sa karakter nitong marahas at mapanlinlang sa mahihirap, dahil ang policy na taglay nito ay “NEGOSYO at HINDI SERBISYO”. Kaya mas madaling maunawaan ng maralitang tagalungsod ang malinaw na pagsasamantala sa kanila ng elitistang gobyerno.

Ang kagandahan pa ng laban sa 4PH maipakikita natin agad ang kaibahan ng SOSYALISMO laban sa KAPITALISMO sa isyu ng pabahay. Malaki ang magiging problema ni BBM sa pagpapatakbo ng gobyerno dahil nagkakaisa ang malawak na maralita laban sa pagpapatupad ng kanyang programang pabahay kung ang ating tungkulin sa masa ay ating isasagawa.

Nararapat na palakasin ang Partido Lakas ng Masa – Urban Poor Committee dahil nasa bentaheng sitwasyon sng isyu ng pabahay. Kunin natin ang adbokasiya sa media at iba pang propesyunal upang maging instrumento din ang abilidad nila sa pagpapalakas ng Kilusang Masa laban sa 4PH. Isama na rin natin ang sektor ng kabataan sa komunidad (Community Youth) na syang magpapagsigla at mabilis na magpapasulong ng pakikibaka ng PLM dahil sa istratehikong laban sa 4PH.

Ang Ating Kagyat Na Panawagan Laban Sa 4PH!

Sa kagyat, poposisyon tayo sa mga panawagan para sa disente at abot-kayang pabahay. Itulak ang DHSUD, ang ahensyang binigyan ng kapangyarihan ng estado para pamahalaan ang programang pabahay, na gawin at tuparin ang kanilang mandato mula sa RA 11201 na dapat sapat, ligtas, natitirhan, matibay, abot-kayang halaga ang mga proyekto ng sosyalisadong pabahay na ating sisiguraduhin na ang mabibiyayaan nito ay mga “HOMELESS AT UNDERPRIVILEGED CITIZEN”. At para matiyak ito, may mga natatanging demand tayo sa gobyerno na papabor sa mga ISF, at ito ang mga sumusunod:

1. Itigil ang bantang DEMOLISYON sa mga tirahan ng mga ISF kung wala silang tiyak na matitirhan.

2. Magkaroon ng tunay na proyektong pabahay sa mga ISF/Informal Workers.

3. Bigyang prioridad ang mga tunay na HOMELESS na nakatira sa mga sementeryo ng kalunsuran at tiyakin na magkaroon sila ng kabuhayan. Sanayin sila upang matuto ng kapitbahayan at isang pamayanan na may pagkakaisa, damayan at tulungan tungo sa layuning ang kanilang tirahan ay maging sosyalisadong komunidad.

4. Maging bukas ang gobyerno sa dialogue sa mga ISF/Beneficiaries sa kanilang mga kahilingan at kagustuhan na manirahan nang panatag, di-masisira ang nakasanayang kabuhayan, may malinis na kapaligiran, ligtas sa sakuna, at may sariling pamamahalang komunidad upang sa gayon, mabuhay ang local people’s participation sa iba’t ibang mga lokalidad.

5. Magkaroon ng polisiya sa housing subsidy para sa 4PH program vertical housing. Ang housing subsidy ay karapat-dapat sa ISF sa “value” ng tirahan at hindi sa “interest rate”:

a. 70% Housing Subsidy at Price – Gawin itong government obligation

b. 30% ISF Obligation at Price

c. 1% Interest rate per annum

d. 30 years to pay

e. Graduated scheme starting with P500 per month at the first 5 years.

f. Additional P100 for succeeding years, kung saan mahihinto ang pagdagdag ng bayarin sa ika-15 taon.

6. Community Land Ownership – ipangalan ang Titulo ng lupa sa Asosasyon sa Komunidad.

7. Community Estate Management – Asosasyon ang mamamahala sa komunidad hindi ang gobyerno. Ang papel ng gobyerno ay sanayin ang Asosasyon sa pamamahala ng komunidad ng dalawang (2) Taon.

Patunayan Ang “Gobyerno Ng Masa” Ay Para Sa Maralita!

Anupaman ang maganap sa ating pakikipaglaban sa pagpapatupad ng 4PH, magwagi man o mabigo, iguhit natin ang marka ng “Gobyerno ng Masa” bilang kapalit ng elitistang gobyerno upang wakasan na ang panlilinlang, pananakot, at marahas na tugon ng estado sa mga hirap makabayad ng obligasyon dahil patuloy na paglala ng kahirapan dulot ng pagbagsak ng ekonomiya sa bansa sa ilalim ng kapitalistang sistema na pinananatili ng mga elitistang nakaupo sa gobyerno.

Pagkaisahin ang mga maralita na magsama-sama upang palitan na ang mga elistang gobyernong nagpapahirap sa masa at iupo ang masa sa gobyernong ating itatayo, ang GOBYERNO NG MASA. Gawin natin ito bilang mga kasapi ng PLM. Pangunahan ang naisin ng masa na palitan ang naghaharing mga elitista, kapitalista, at mga nagnenegosyo lamang sa gobyerno sa pamamagitan ng pantay, malinis, at maayos na pambansang halalan o sa pamamagitan ng mismong lakas ng mamamayan.

PARTIDO LAKAS NG MASA

4th Congress

September 30, 2023

Resolusyon Hinggil sa Isyu ng Pabahay ng ISF at Paglaban sa Pagpapatupad ng 4PH

Dahil ang Partido Lakas ng Masa ay isang Pambansang Partido Pulitikal na kumakalinga sa kapakanan ng masang inaapi at pinagsasamantalahan ng mga makapangyarihang tao, batas, gobyerno, at estado.

Dahil ang Partido Lakas ng Masa ay tumitindig laban sa polisiya ng gobyerno na nagpapahirap sa buhay ng masang Pilipino lalo na ang polisiya ng pabahay ng gobyerno na syang sumisira sa tahanan ng maralita o hindi nabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng tatawagin nilang sarili nilang bahay.

Dahil ang PLM ay hindi lamang pang electoral na Partido Politikal kundi ito ay tagapanguna sa laban ng masa lalo na sa laban ng maralita, laban ng ISF, at laban ng poorest of the poor na syang mga homeless at underprivileged citizen ng estado na naghahangad na makamit ang disente at abot-kayang pabahay.

Dahil ang Administrasyong BBM ay nagsulong ng FLAGSHIP PROGRAM ng gobyerno na tinawag na Pambansang Pabahay Para Sa Pilipino Program o 4PH na naghahangad na makagawa ng 1-million housing unit per year na ang karakter ng programa ay NEGOSYO HINDI SERBISYO na makakaapekto at wawasak sa mga tahanan ng ISF at walang pagkakataon na magkaroon ng sariling bahay na disente at abot-kayang halaga.

Kung gayon, pinagtitibay ng kapulungang ito na:

Magbuo ng Kumite para sa Maralitang Tagalungsod sa loob ng Partido upang makabuo ng programa at plano laban sa 4PH na syang maging gabay sa pakikibaka ng maralita laban sa demolisyon at panlilinlang ng gobyerno.

Pangunahan ng Kumite ng Maralitang Tagalungsod ang koordinasyon sa mga organisasyon, asosasyon o grupong lumalaban sa pagpapatupad ng 4PH na sisira sa kanilang tahanan at walang katiyakan sa paninirahan na dapat din organisahin ang kanilang hanay tungo sa isang malakas na koalisyon ng mga maralitang tagalungsod sa bansa.

Gawing stratehiko ang laban sa 4PH para makakuha ng atensyon sa media at adbokasiya ng mga professional (middle class) at isama ang pagkakataong ma-organisa ang mga kabataan sa komunidad (Community Youth) laban sa kahirapan at inhustisyang panlipunan at gawing isang pangunahing kampanya sa politikal na laban ang Pabahay.

Kung gayon, ang Partido Lakas ng Masa – Urban Poor Committee ay isa nang organo ng maralitang tagalungsod sa loob ng Partido na mangunguna sa pag-oorganisa ng mga organisasyong pangkomunidad at isusulong ang kampanya laban sa pagpapatupad ng 4PH na tutungo sa pakikibakang pulitikal sa isyu ng Pabahay.

Pinagtibay:

Ika-apat na Kongreso ng Partido Lakas ng Masa

Setyembre 30, 2023