ANG PAMPULITIKANG KALAGAYAN NGAYON

Presentasyon ni Ka Sonny Melencio, Tagapangulo ng Partido Lakas ng Masa

Ika-4 na Kongreso, September 30, 2023, UP Diliman.

I. Ang Pang-ekonomiyang Krisis sa Bansa

Ito ay pangunahing kinatatangian ng:

  • Lumalalang Kahirapan at Gutom: Sa 2nd quarter ng 2023, halos kalahati ng pamilyang Pilipino (12.5 million households) ay itinuturing ang sarili na mahirap. Nagpa-fluctuate lang ang bilang na ito sa 45% – 50% taun-taon. Higit 10% naman ng mga pamilya (around 2.6 million families) ang nakaranas ng gutom, o walang kinakain. Nagpa-fluctuate lang ito sa 8% – 10% taun-taon.
  • Kawalang Trabaho: Ang unemployment rate ay 4.5% (o 2.26 million) ng labor force noong April 2023. Ang bilang na ito ay halos hindi nagbabago at lumalaki pa taun-taon.
  • Maliit na sahod o kita at mataas na presyo ng mga bilihin (Implasyon): Tumaas nga nang katiting ang minimum wage sa Metro Manila at ilang bayan sa Calabarzon, pero ang implasyon o sobrang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay naging tatak ng gobyerno ni Marcos Jr. Umabot ito sa 8.7% noong January 2023. Sumirit ang presyo ng sibuyas noon na umabot sa higit P700 per kilo at nagbunga ng onion smuggling racket.
  • Homelessness. Kawalan ng tirahan: Sa datos ng gobyerno, 3.4 milyon na pamilya ang walang sariling tahanan (considered Informal Settler Families o homeless). Lumalaki pa ito dahil sa demolisyon, landgrabbing, at iba pang dahilan.

Ang kabuuang ekonomiya ay kinatatangian ng patuloy na krisis sa kabuhayan na lumulubha pa taun-taon. Lomobo ang pangungutang ng gobyerno na umabot na ng P14.10 trillion noong May 31, 2023. Noong nakaraang taon, kapos ang kita o revenue ng gobyerno ng may P1.6 trillion. Ang badyet noon ay P5.02 trillion.

Gayunman, ipinagmamalaki ng gobyerno na ang ‘annual growth rate’ (Gross National Product at Gross Domestic Product) ng bansa ay nananatiling mataas (7.6% noong nagdaang taon, at 6.4% sa first quarter ng 2023).*

Sa totoo lang, ang GNP o GDP ay sukatan, hindi ng pag-inam ng kalagayan ng lahat ng tao, kundi paglaki ng kita ng mga negosyante. Sa madaling sabi, patunay ito na ang mayayaman ay lalong yumayaman, at ang mahihirap ay lalong naghihirap taun-taon.

Ang pagsusuring istruktural (structural analysis)

Para lalong maintindihan ang kalagayan, hindi dapat gumawa lamang ng listahan ng mga economic indicators na hindi nagpapakita ng totoong kalagayan ng bansa. Gamitin natin pagsusuring istruktural dahil maraming bagay na hindi nagbabago kahit nagbagu-bago pa ang administrasyon.

Halimbawa, ang ulat ng World Bank sa pagkakahati ng income sa bansa. Hindi na ito nagbabago, at taun-taon ay ganito pa rin.

  • Sa graph, ang 17% ng total income ay napupunta sa 1% lamang ng pamilya sa Pilipinas. Ang 14% ay sa 50% ng pamilya, at ang natitirang 69% ay pinaghahatian ng 49% ng kabuuang pamilya sa bansa. Mga 125,000 na pamilya lamang (1%) ang komokopo ng 17% ng yaman, at ang natitirang 99% na pamiya ay naghahati sa 83% ng yaman.

Income pa lamang ito. Hindi pa kasama ang Asset o ari-arian ng mayayaman, gaya ng lupa, kapital, pabrika, bangko, mansyon, private jet, private plane, magagarang sasakyan, at pamumuhunan sa loob at labas ng bansa. Sobra-sobra ang kanilang yaman, pero hindi ito ipinakikita nang buo sa presentasyon ng mga datos sa ekonomiya.

Ito naman ang graph o pyramid ng Income by Class Composition:

  • Sa class pyramid, 22% ng pamilyang Pilipino ay nabubuhay sa ilalim ng poverty line. Below the poverty line ka kung kulang pa sa P10k monthly ang kita mo, pero sa bagong statistics ng gobyerno, P15K kada buwan na ang poverty line.
  • Ang sumunod na 35% ay low-income households (kumikita sa pagitan ng higit P10k hanggang P20k a month. Ang dalawang bahagdan na ito ay bumubuo ng 57% ng mga pamilya.
  • 40% naman ang nabibilang sa lower at upper middle class (kumikita sa pagitan ng P20k+ hanggang P125k+ kada buwan. Gayunman, ang lower middle class ay higit kalahati ng bahagdang ito (o 29.2%). Kaya kapag isinama sila sa mahihirap na pamilya, bubuo sila ng 86% na kabuuang pamilya sa Pilipinas.
  • Ang 2% naman ay upper class (kumikita ng P125k+ hanggang P200k+ monthly.
  • Ang Super Rich na bumubuo ng 1% ng mga pamilya (mga 143,000 na pamilya) ay kumikita mula P200k+ hanggang sawa.

Gayundin, income pa lamang ito. Hindi pa isinasama ang mga ari-arian, laluna ang mga ari-ariang nagiging kapital at napagtutubuan.

Ang programa ng gobyerno para paunlarin ang bansa

Sa ganitong kalagayan, ano naman ang programa ng gobyerno para umunlad ang masa at ang bayan?

Same old, same old na mga patakaran rin. Sa Philippine Development Plan (2023-2008) ng administrasyong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang estratehiya na sinasabing mag-aangat sa atin sa kahirapan ay ang pagpapatuloy ng “tried and tested” na “unfinished business.” Ano ito? Pagsusulong ng mga repormang gaya ng Rice Tariffication Law, Foreign Investment Act, Retail Trade Liberalization Act, Public Service Act, at ang CREATE Law (Corporate Recovery & Tax Incentives for Enterprises Act) na ibinaba ang corporate tax at nagkaloob ng maraming insentiba laluna sa mga dayuhang korporasyon.

Ang buong layunin ng gobyerno ay mapahanay ang bansa sa “Globalisasyon,” ibig sabihin ang kumabit sa pandaigdigang proseso ng pamumuhunan ng mayayaman at imperyalistang bansa at makinabang dito. Ito rin ang lohika ng ‘trickle down economy’ sa ilalim ng kapitalismo: ang mantra na kailangang patubuin muna natin ang mga kapitalista para maambunan nila tayo ng mga biyayang ipagkakaloob nila.

Ang landas na ito ay dead end. Wala tayong patutunguhan dito kundi ang manatiling nakatunganga sa pag-unlad pa ng mayayamang bayan at sa pagkabaon natin sa kumunoy ng utang at kahirapan. Pagpapailalim lamang ito sa imperyalistang globalisasyon, at sa pagsasamantalang imperyalista na ang pangunahing katangian ngayon ay ang pagtatatag ng imperyalistang “Global Value Chain.”

II. Ang Bagong Anyo ng Imperyalismo Ngayon

Ang Global Value Chain ang bagong anyo ng imperyalismo ngayon. Ito ang pagtatayo ng pandaigdigang network sa paglikha ng mga produkto (value creation) na dadaan sa maraming bayan (chain of production), subalit ang makikinabang pa rin ay ang mga sentrong imperyalistang bansa na nasa tuktok ng global value chain.

Sa mapa sa itaas na ginawa ng European Commission on Global Value Chains & Trade, ipinakita nila ang paghahati-hati ng mundo sang-ayon sa global value chain.

  • Ang assembly ng mga produkto ay inilagay sa Global South (mga mahirap na bansa na mura ang pasahod). Ang research at standards ay sa mga bansang may teknikal na kakayahan, gaya ng Singapore at Hong Kong. Ang distribution, marketing, sales at compliance naman ay nasa Global North o mayayamang bansa. Sa mapa, halos lahat ng mga industriya ay ililipat sa Offshore o labas sa mga bansa ng Europe.

Sa global value chain production, ganito rin ang hatian ng mga bansa:

  • Ang kabuuang pagdisensyo ng mga produkto ay nasa headquarters ng mayayaman at imperyalistang bansa.
  • Ang input ngraw materials at intermediate components (processed raw materials) ay nasa ‘developing countries’ (o mga bansang Third World).
  • Ang manufacturing, o pagtransporma sa raw materials at intermediate goods tungong finished product, ay sa developing countries pa rin dahil sa murang lakas-paggawa nito.
  • Ang distribution at logistics (transportasyon, storage, at delivery sa iba’t ibang merkado at pandaigdigang kustomer) ay sa mga ‘developing countries’ rin sa pangunahin.
  • Ang marketing at retail (advertising, branding, marketing at pagbebenta sa konsumer) ay maaaring sa mayayamang bansa na.
  • Ang after-sales service (Business Process Outsourcing o BPO, gaya ng call-center, customer support, maintenance, repairs, at iba pang mga serbisyo) ay sa mga bansang Third World din dahil sa murang presyo ng lakas-paggawa dito.

Ang global value chain ng iPhone

Isa sa kongkretong halimbawa ng global value chain production ang paglikha ng iPhone. Ito ay pag-aari ng Apple Inc., ang multinasyonal na korporasyon ng US na gumagawa rin ng iPad, MacBook, at iba pa. Ang pangunahing manufacturing hub nito ay China. Ina-assemble doon ang mga produktong ito ng mga contract manufacturers gaya ng Foxconn na umaabot sa halos kalahating milyon ang tinitipong mga manggagawa kapag may order.

  • Dito sa graph, na ipinapakita ang proseso ng paglikha at pagbebenta ng iPhone 4, ang mga inputs (intermediate goods) ay galing sa iba’t ibang bansa. Pinakamalaki sa South Korea; pagkatapos ay Germany, France, Japan, at iba pang bansa. Ang kaubuang input ay nagkakahalaga ng $163.07 bawat yunit ng iPhone.
  • May input din ang US (malamang sa pagdisenyo) na $24.63 bawat iPhone. Ang value added naman ng China ay $6.54 (malamang halos pasahod lamang ito). Kaya ang factory gate price paglabas ng pabrika ay $194.04. [Sa Philippine Peso, P9,702).
  • Idagdag ang distribution o transport cost na $90 per unit. Ang miscellaneous naman ay $45.95. Kaya ang kabuuang gastos ay umaabot sa $329.95 bawat unit.
  • Ang Retail Price ng iPhone na ito ay $600 (PHP30,000). Ibawas ang kabuuang gastos, kabilang ang transport at miscellaneous cost, at ang kita ang Apple ay $269.05 bawat yunit (PHP13,453). Ang tubong ito ay naidadagdag sa GDP ng US.

Napakalaki ang sobrang-halaga na nakukuha sa manggagawa sa China na ang sahod ay nasa $6.54 per unit lamang. Kahit isama ang sahod ng mga manggagawa sa ibang bansa na nagbigay ng mga input, malaki pa rin ang tubo ng kompanya. Ang tubo ng Apple, Inc. ay matatawag na ‘imperialist profit’ o ‘profit by expropriation’. Hindi binayaran ang malaking bahagi ng lakas-paggawa ng mga manggagawa na ang bulto ay nasa China. Inagaw ito (expropriated) dahil binayaran sila nang hindi umaangkop sa sahod kung ang produkto ay gagawin sa imperyalistang bayan. Kaya super-exploitation ito.

Ang global value chain sa Pilipinas

Gaya ng iba pang bansang Third World, nakapasok tayo sa global value chain sa dalawang pangunahing paraan:

  • Sa pamamagitan ng Foreign Direct Investment (FDI) o pagpasok ng Multinational Corporations (MNCs) o pagtatayo ng mga subsidyaryo nila sa bansa.
  • Sa pamamagitan ng kasalukuyang paraan ng subcontracting o tinatawag na “arms-length contracting.” Ito ang pagkontrata ng mga MNCs sa maliliit na kompanya para gawin ang iba’t ibang bahagi ng produksyon. Sa sistemang ito, magkokompetisyon ang mga contractor kung sino ang makapagpapaliit ng gastos sa produksyon na pangunahing ginagawa sa pagpapaliit ng sweldo ng mga manggagawa.

Kasaysayan ng global value chain production sa Pilipinas

Noong panahon ng diktadurang Marcos Sr., itinayo ang Export Processing Zones (EPZs) sa Bataan, Cavite, Baguio, at Mactan. Inambisyon nito na akitin ang FDIs sa pamamagitan ng maraming insentibo (imprastruktura, walang buwis, bawal ang pag-uunyon at welga). Pero noong maagang bahagi ng 1980s, maraming FDIs na ang lumipat sa Singapore, Malaysia, Thailand, at iba pa.

Mula noon, hindi na tayo nakapasok sa naging mga pagsulong ng regional global manufacturing value chain. Ito’y dahil lagi tayong huli at nakabuntot sa ‘industrial upgrading’ ng value chain (mula simpleng assembly tungong high-value segment ng produksyon). Bukod dito, napakataas ng presyo ng koryente sa bansa (sa Asia, ikalawa tayo sa Japan), madalas ang brownout, at unstable ang political situation, laluna sa panahon ng diktadura.

Noong 1990s, itinayo ang mga special economic zones (SEZs o ecozones) na pinatatakbo ng mga pribadong sektor. Pero ito ay konsentrado sa sektor ng serbisyo, pangunahin sa BPO (marami ay call-centers). Ang pumapasok sa ecozone ay maliliit na empresa na ang kita ay 1/3 lamang ng average revenue dati. Marami dito ay subcontracting firms para sa mga MNCs o mga nakapaloob sa ‘arms-length contracting’.

Learn from China?

Kaya ang ambisyong mapabilang sa global value chain at mahikayat ang FDIs sa bansa ay pagtanggap sa isinumpang kapalaran na wala na tayong kakayahang wakasan ang kahirapan at pagsasamantala sa ating bayan.

Sa kabilang banda, kung gusto nating umunlad kahit nakakabit lamang tayo sa mababang bahagi ng global value chain, dapat matuto tayo sa China.

Sapagkat, una, sa China, pinaunlad nila ang base ng industriyalisasyon na binubuo ng sumusunod na mga industriya — metal and steel, petrochemicals, textiles, petroleum, precision machines, glass and lenses, rubber, atbp. Mga industriya ito na bumubuo ng tinatawag na ‘commanding heights’ ng industrialisadong ekonomiya.

Ikalawa, sa China, nangunguna ang estado o ang gobyerno sa pagpapatakbo at pagkontrol sa maraming industriya. Kapitalista na ang China, subalit ang kapitalismo nito ay halos matatawag ding state capitalism. Hawak pa rin ng estado ang maraming industriya na kumikita, gaya ng enerhiya at utilities; banking & finance; telecommunications; aviation & airplanes; power & electricity; railways; automotive; media & publishing; health care & pharmaceuticals; at high-end construction.

Ang pagsulong ng imperyalismo sa iba’t ibang kalagayan

Bagamat may mga nagsasabing wala na ang imperyalismo at marami nang mga bansang may pag-asang maging economic power ngayon (gaya ng China), hindi maipagkakaila na nananatili pa rin ang mga imperyalistang bansa. Ang pinakamayayamang bansa ay binubuo pa rin ng imperialist club na naghari sa mundo noon pang unang bahagi ng ika-20 siglo. Kinakatawan ito ng mga bansa sa G7: ang US, UK, Germany, Japan, Canada, France, at European Union. Ang BRICS (Brazil, India, China, at South Africa) ay malayo pa rito.

Sumulpot ang imperyalismo sa yugto ng monopolyo-kapitalismo noong unang bahagi ng ika-20 siglo. Nagkaanyo ito ng malawakang kolonyal at neokolonyal na pananakop. Ipinakita ni Lenin sa akdang Imperialism, The Highest Stage of Capitalism (1916) ang pagsulong na ito ng imperyalismo.

Naganap ang tinatawag na yugto ng ‘monopoly-finance capitalism’ noong 1970s. May malaking pagsulong ng financialization ng ekonomiya, o ng paglago ng finance capital vis-à-vis kapital na ginagamit sa manufacturing o paglikha ng mga produkto, at ang paglawak ng financial speculation bilang paraan ng pagkakamal ng ibayong kapital. Sinabayan ito ng dispersal ng mga proseso ng produksyon sa mga bansang mura ang lakas-paggawa. Ang pagsulong ng mga imperyalistang korporasyon ay itinatakda ng kakayahan nitong magpataw ng super-exploitation sa mga manggagawa sa Third World.

Dati, ang pangunahing katangian ng imperyalismo ay pagluluwas ng kapital sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga subsidyaryo ng MNCs sa Third World, o pagpapanatili ng komprador na relasyon kung saan sinasamantala ang murang natural na yaman at lakas-paggawa ng Third World kapalit ng mas mahal na yaring produkto ng mga imperyalistang bayan. Dito nakaangkla ang sistema ng di-pantay na kalakalan (unequal trade) na pumapabor lamang sa mayayamang bansa.

Sa ilalim ng Globalisasyon, ang pangunahing katangian ng imperyalistang pagsasamantala ay expropriation ng sobrang halaga na nililikha ng mga manggagawa sa mga bagong kapitalistang bayan (tinatawag na ‘developing countries’) sa pamamagitan ng limitadong pamumuhunan ng kapital at paggamit ng sistema ng malawakang subcontracting o sa kabuuan, ang tinatawag na global value chain production.

III. Ang Gyera sa Rehiyon sa Pang-uupat ng Imperyalismong US

Pinakamataas na yugto pa rin ng kapitalismo ang imperyalismo. Naaagnas (moribund) na ito, ayon kay Lenin noon pang 1916. Pero may kakayahan pa itong mag-adapt ng iba’t ibang anyo para manatili laluna sa ilalim ng internasyonalisasyon o globalisasyon ng kapital. Ang paraan nito ay lalo pang patindihin ang pagsasamantala sa mga manggagawa hindi lamang sa kanilang bansa, kundi sa mga manggagawa sa maraming bansa.

Kung tutuusin, ito na nga ang huling yugto ng kapitalismo. Dead end na ito at wala na itong ibubuga pa kundi lalong pahirapan ang buong daigdig, o kaya’y muling ibulid sa gyera ang mundo matiyak lamang na manatili ang kanilang hegemonya sa mundo.

Ang Paghahanda sa Gyera sa Asia-Pacific

Ang China ngayon ang tinaguriang karibal at kakompitensya ng imperyalismong US sa hegemonya nito sa buong daigdig. Paano’y ang manufacturing hub na ng daigdig ngayon ay ang China. Sumusulong ito bilang economic power at nag-aambisyong makabig sa kanyang sphere of influence ang maraming bansa, laluna sa itinatayo nitong Belt and Road Initiative na tatagos sa East Asia at Europe. Lumalawak pa anga road at infrastructure project na ito tungo sa Africa, Oceania, at Latin America. Sinasabayan ito ng pagkakaloob ng China ng economic loans and assistance at pagpasok sa mga merkado ng nasabing bayan.

Dahil dito, ikinasa ng imperyalismong US ang estratehiya ng trade war para kontrolin ang paglagong pang-ekonomiya ng China. Sinundan ito sa panahon ng dating US President Barack Obama ng political at military strategy ng pagpapalibot at containment sa China. Inihayag ni Obama ang patakaran ng “Pivot (Shift) sa Asia-Pacific. Nangahulugan ito ng paglilipat ng military, naval at nuclear capability ng US para itutok sa China at sa rehiyon ng Asia-Pacific.

Pinalawak pa ito ng US sa pagbubuo ng Indo-Pacific Command. Binubuo ito ng mga base militar ng US na nakapalibot sa Indo-Pacific at mga barkong pandigma nito na nagpapatrolya sa coastlines ng 40 bansa sa Indo-Pacific. Kabilang dito ang mga bansang Australia, New Zealand, Japan, India, Brunei, Cambodia, North Korea, South Korea, Maldives, Nepal, Pilipinas, at marami pang iba. Nililigawan ng US ang halos lahat ng mga bansang ito laban sa China.

Sa kabilang banda, naghahanda ang China sa posibilidad ng gyera. Itinayo nito ang pinakamalaking pormasyong nabal sa South China Sea at tinransporma ang mga contested islands at rock formation sa South China Sea, kabilang ang sakop ng West Philippine Sea, bilang military installations nito.

May bantang madamay na agad tayo sa gyera. Sa ilalim ni Presidente Bongbong Marcos, pinalaki ang de facto US military bases sa bansa mula lima (noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino) tungong siyam. Ang marami dito ay nakatuto sa South China Sea. Nagpapatuloy ang pagpapatuta ng bagong gobyernong Marcos na halos katulad ng pagpapatuta ng kanyang diktador na ama.

IV. Ang Krisis sa Klima at Epekto Nito sa Pilipinas

Hindi naglulubay ang krisis sa klima dahil walang kakayahan ang kapitalismo na lutasin ito. Ang puno’t dulong dahilan ng krisis sa klima ay ang walang patumanggang pagwasak ng kapitalismo sa ekolohiya ng daigdig dahil sa walang katapusang paghahangad nito sa pagkakamal ng tubo at paglawak ng kapital. Hindi pa rin maaksyunan ng mga imperyalistang bayan ang pangakong kontrolin ang pagbuga ng carbon dioxide sa atmospera dahil sa paggamit ng fossil fuel. Itinaas na ang signal na kung mananatili ang ganitong kalagayan, mararating natin ang point of no return sa pagtindi ng krisis sa klima mula taong 2030.

Sa Pilipinas, ang epekto ng krisis sa klima at pagkawasak ng ekolohiya ay ang mga super typhoon na kinatatangian ng matitinding pag-ulan, paghagupit ng hangin na nagdudulot ng pagbaha, pagguho ng lupa, pagkasira ng mga pananim, at pagkawala ng pertilidad ng mga sakahan.

Sa 2030, 50% ng populasyon ng Pilipinas (74.16 million) ay apektado sa patuloy na pagtaas ng sea-level; 167,000 ektarya ng lupa ang lulubog; isang metrong pagtaas ng dagat (3.37 feet) sa ilang bahagi ng Cavite, Bulacan, at Metro Manila.

Lahat ng solusyong ihinaharap ng kapitalismo para lutasin ang climate change at krisis sa ekolohiya ay sabla, dead-end, o walang patutunguhan. Ito’y dahil nagsisimula ang imperyalista at mayayamang kapitalistang bayan sa pangangailangang iligtas ang kapitalistang sistema at lipunan.

Dead-end ang kapitalismo sapagkat ito’y isang sistema na ipinundar sa paglikha ng papalaki at papalaking tubo ng mga may kapital. Ibinubulid nito sa walang-katapusang paghihirap ang nakararaming manggagawa dahil sa walang puknat na pagpiga sa kanilang kakayahang lumikha ng yaman (extraction of absolute surplus value).

Ang kapitalismo ay isang sistema ng ‘pag-unlad’ na batay sa pagpapalago (expansion) ng kapital nang walang pakundangan sa paglaspag ng natural na yaman ng planeta, kahit mauwi ito sa pagkawasak ng kalikasan at ecosystem ng daigdig.

Sagot sa Krisis sa Klima: Ekososyalismo, Ngayon!

Isinusulong ng PLM ang System Change, Hindi Climate Change. Ito ay sa pamamagitan ng pagkakampanya sa Ekososyalismo, ang sosyalismong kumikilala sa pangangalaga sa ekolohiya ng lipunan at ng planeta habang isinusulong ang pagkakapantay-pantay ng lahat. Ang ekososyalismo ay pagkilala na hindi malulutas ng kapitalismo ang krisis sa klima, sapagkat ang sistemang ito ang mismong lumilikha ng krisis sa klima at pagkawasak ng ekolohiya ng planeta. Ang kailangan ay demokratikong Sosyalismo na nakasandig sa mga prinsipyong ekolohikal ng planeta, ang sistemang Ekososyalismo.

Pagsusuma

Pinatutunayan ng lahat ng ito na DEAD END ang sistemang kapitalista. Ang solusyong ibinibigay nito ay nagpapanatili at lalo pang nagpapalubha sa krisis, gaya ng solusyon ng pagtatayo ng Global Value Chain imperialism. Gaya ng solusyon ng gyera para mapanatili ang kanilang dominasyon. Gaya ng solusyon ng “green capitalism” na peke, palso at hindi lulutas sa krisis sa klima.

Ang tunay na solusyon ay system change, ang pagwawakas sa kapitalismo at pagpapalit ng sistema tungong sosyalismo.

Bilang panghuli, ang ilan sa atin na naging pambansang demokratikong aktibista noon ay bihasa sa pagtukoy na ang tatlong pangunahing problema ng bayan ay Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukratang Kapitalismo.

Tayong mga sosyalista sa kasalukuyang lipunan ay naninindigan ngayon na ang tatlong pangunahing problema ng bayan ay maisusumada sa sumusunod: Imperyalismo, Kapitalismo, at Dinastiya sa Gobyerno.

Kung meron man tayong dapat na chanting ngayon sa rali, heto iyon:

Imperyalismo, Ibagsak!

Kapitalismo, Ibagsak!

Dinastiya sa Gobyerno, Ibagsak!