ANG PLATAPORMA NG GOBYERNO NG MASA ay plataporma ng gobyerno na binubuo ng mga kinatawan ng masang manggagawa at maralita o mga marginalized na sektor tungo sa pagbubuo ng bagong sistema ng sosyalistang lipunan na makatao, walang pagsasamantala, walang pang-aapi, may kakayahang isustine (sustainable), at kung saan ang yaman ng lipunan ay pantay-pantay na pinaghahatian ng lahat. Ito ay isang lipunan na ipupundar sa tunay na pag-unlad ng sangkatauhan, hindi gaya ng kasalukuyang kapitalistang lipunan na pinaghaharian ng iilan at pinatatakbo para sa kasaganaan lamang ng iilan.
Ang Plataporma ng Gobyerno ng Masa ay transisyonal na programa na kumakatawan sa layunin ng masa (ng uring manggagawa, mga maralita sa lungsod at kanayunan, o lahat ng mahihirap) na magtayo ng kapangyarihang pampulitika para ibagsak ang paghaharing elitista at pasimulan ang hakbang sa tuluy-tuloy na pagbabago ng lipunan.
Ang Plataporma ng Gobyerno ng Masa ay binubuo ng tatlong bahagi. Una ang pakikibaka sa kagyat na layunin (immediate and urgent demands) na isalba ang mamamayan sa matinding krisis na nililikha ng kapitalistang sistema at palawakin ang demokratikong espasyo para sa pampulitikang interbensyon ng masa. Ito’y plataporma sa kalagayang hindi pa naitatayo ang Gobyerno ng Masa, subalit kailangan nang isulong ang mga kagyat na karaingang pang-ekonomiya at pampulitika na magpapabuti sa kalagayan ng masa at maghahanda sa kanila sa pag-agaw ng kapangyarihang poder at pagsusulong ng transisyonal na programa tungong sosyalismo.
Sa unang bahagi, ang plataporma ay isusulong para magkaroon ng ginhawang pang-ekonomiya at espasyong pampulitika ang masa kahit sa kasalukuyang sistema na pinaghaharian ng mga trapo at elitistang pwersa. Ang platapormang ito ay binubuo ng mga kagyat na pakikibaka para sa makabuluhang reporma ngayon. Mangangailangan ito ng malawakang mobilisasyon at ibayong pagkilos ng masa para mapilitang ipagkaloob ng mga nasa poder.
Sa ikalawang bahagi, isusulong ang transisyonal na plataporma, habang tinatapos ang lahat ng kagyat na usapin para sa economic relief at espasyong pampulitika sa masa. Ang transisyonal na plataporma ay nakatutok sa pagpapasimula ng proseso ng pagbabago tungo sa pagtatatag ng sosyalismo sa bansa. Maipatutupad ang transisyonal na plataporma sa pamamagitan ng pagtatatag ng Gobyerno ng Masa o ng isang progresibong gobyerno. Sa kabuuan, nakasalalay ito sa pag-agaw ng masa at ng progresibong pwersa ng estado poder, eleksyon man o sa pamamagitan ng kapangyarihang masa (people’s power), mula sa kamay ng uring elitista at mga mapagsamantala. Gayunman, kahit maghihintay pa sa pag-upo ng Gobyerno ng Masa, o ng isang progresibong gobyerno, bibitbitin na natin ang ilang transisyonal na mga panawagan, kahit ngayon, para maaga pa lamang ay maiguhit na sa isip at damdamin ng masa ang kaibhan ng mga sosyalista at ng mga elitista.
Sa ikatlong bahagi, ilalatag naman ang direksyon ng pagtatatag ng sosyalismo sa bansa sa ilalim ng Sosyalistang Gobyerno. Sa ngayon, ang mailalatag lamang natin ay ang pangkalahatang layunin, patakaran, at hugis ng sosyalistang sistema. Ang eksakto at kongkretong katangian ng sosyalismo sa bansa ay babatay pa rin sa maraming salik, gaya ng balanse ng pwersa sa lipunan, ang lokal, ang pang-rehiyon, at pandaigdigang kalagayan, at iba pa. Ang magiging haba ng transisyonal na yugto (o transisyonal na programa na nasa ikalawang bahagi ay babatay din sa nabanggit na mga salik. Gayunman, dapat ariin na nating guideposts sa ating mga pakikibaka ngayon ang mga prinsipyo at patakarang magkakahugis sa itatayong sistema ng sosyalismo sa bansa.
[*Sa ikatlong bahagi, may ilang halimbawa sa dulo kung paano isinusulong ang mga sosyalistang patakaran sa Cuba. Ang Cuba ay nananatiling sosyalistang bansa, bagamat napapalibutan ng hukbong militar ng US at nakapailalim sa embargo (hindi pinapayagan ng US ang lahat ng kapitalista nito, at iba pang kapitalistang bansa na makipagkalakalan sa Cuba). May ilang kompromiso na ginawa ang Cuba para manatili silang umiiral, kabilang na ang repormang pang-ekonomiya na nagbukas ng bansa sa ilang kapitalistang aktibidad at mga joint ventures ng gobyerno sa mga dayuhang korporasyon.]
Para maipatupad ang kabuuang Plataporma ng Gobyerno ng Masa, dapat tanganan ng masa ang kapangyarihang pampulitika, ang buong gobyerno at lahat ng ahensya ng estado mula lokal hanggang pambansang antas, at isakatuparan ang minimithing layunin ng bagong lipunan. Ang Gobyerno ng Masa ang tulay na magdudugtong sa kasalukuyang bulok na sistema ng kapitalismo tungong sosyalistang lipunan. Isang lipunan na ang panuntunan ay pagtitiyak na anumang kasaganaan at pag-unlad ng lipunan ay maisasalin sa kasaganaan at pag-unlad ng bawat indibidwal, isang lipunan na sustainable at napangangalagaan ang kalikasan at ekolohiya sa bansa, at kung saan ang bawat indibidwal ay mahuhubog bilang kritikal na pwersa sa ganap na lipunang pagbabago. Walang sosyalismo kung walang Gobyerno ng Masa.
Ang Plataporma ng Gobyerno ng Masa ay kontribusyon ng masang Pilipino sa pagsusulong ng sosyalismo sa ika-21 siglo – sa pagtatayo ng internasyonal na pagkakapatiran ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang pwersa tungo sa pagwawakas ng imperyalistang pagsasamantala at pang-aapi, pagtatatag ng pantay na ugnayan ng mga bansa at pagkakapatiran ng masa sa buong mundo, pagtatanggol sa kalikasan at ekolohiya na patuloy na winawasak ng sistemang kapitalismo sa pandaigdigang saklaw, at pagkakamit ng tunay na kapayapaan at kasaganaan sa mundo.